Salamin at iba pang panglaw ni Almayrah Tiburon: Suring basa ni Jonaira M. Angni

 Ang aklat na Salamin at iba pang panglaw ay naglalaman ng mga sari-saring kwento na talaga namang masasabi kong kapupulutan ng aral, dahil bukod sa sumasalamin ito sa kulturang Meranaw o lipunang kinabibilangan ng mga pangunahing tauha'y makikita mo rin ang reyalidad. 

Ito ang unang pagkakataon na nakabasa ako ng libro na isang Meranaw ang may-akda, karamihan kasi sa mga librong nabasa ko ay likha ni Lualhati Bautista, Eros Atalia, Bob Ong, atbp. Masasabi kong napakagaling ng may-akda ng aklat na ito.

Si Bb. Almayrah Tiburon ang awtor ng aklat ay ipinanganak sa lungsod ng Marawi, at bunso sa limang magkakapatid.


Imahe kuha mula sa Google


Layunin ng may-akda na ipakilala ang tribong Meranaw sa Pilipinas sa pamamagitan ng panitikan kung kayat isinulat niya ang aklat na ito, dahil sila ay may iba't ibang pananaw na naaayon sa kanilang kultura at pinaniniwalaan.

Isa-isahin natin ang mga ilan sa mga kulturang Meranaw na nakapaloob na ating nakita sa aklat;

Pag-aasawa

 Sa aklat na ito, malinaw na naipakita na magulang ang nasusunod sa pagpili ng mapapangasawa ng kanilang mga anak. Gaya ng sinabi ni pangunahing tauhan sa Kasal "....ang pag-aasawa ay desisyon ng magulang at siyang masusunod." Kung kaya ang mga anak, hindi man nila nais ay sinusunod na lamang nila ang kagustuhan ng kanilang mga magulang bilang tanda ng kanilang pagmamahal at paggalang sa kanila. Lalo't alam ng magulang ang mabuti para sa kanilang mga anak. Malinaw na naipakita sa aklat na ito na ang pag-aasawa ay hindi lamang basta-bastang proseso tulad ng sinapit ni Akmilah sa kwentong Kata-o, hindi sila nagkatuluyan ni Yusoph kahit mahal nila ang isa't isa dahil sa hadlang ang mga magulang ni Yusoph para sa kanya. 

Duwaya

Hindi lahat ng Meranaw na babae ay sumasang-ayon sa duwaya o polygamya kahit na ito ay ipinahihintulot sa Islam. Tulad sa kwento ng mag-asawang si Aisah at Minor. Hindi akalain ni Aisah na magkakaroon ng ikalawang asawa si Minor, at hindi niya matanggal ang ganoong bagay. Humantong na lamang sa hiwalayan ang dalawa kahit na labag sa loob ni Minor ang makipaghiwalay kay Aisah dahil labis niya itong mahal. Hindi lahat ng mga Meranaw ay mayroon o sang-ayon na magkaroon ng dowaya ang kanilang mga asawa. Ang iba'y sadyang ayaw lamang talaga ng kahati, o kaya'y estado sa buhay, o ang iba marahil ay maratabat lamang.

Kamatayan

Makikita natin sa aklat na ito ang mga pinaniniwalaan ng mga Meranaw kapag sila ay namatay na batay mismo sa Qur'an. Naroon iyong mga katanungan na itatanong sa tao ng Anghel kapag siya ay namatay. Naroon din nabanggit iyong mga pagpaparusa sa tao dahil sa kaniyang mga kasalanang ginawa noong siya'y nabubuhay pa. Sa kwentong Kobor, mababasa natin doon na paulit-ulit nilatigo si Masonor ni Malakalmaot, at isa-isang nagsisilabasan ang mga ahas dahil sa mga kasalanan niya at di mabuting pakikitungo niya sa kaniyang ina. Hindi lamang literal na kamatayan ang ipinapakita sa mga kwento sa aklat na ito, bagkus nariyan rin ang mga katuruan ng relihiyon na dapat isaalang-alang bilang Meranaw dahil doon naman nakabatay ang kulturang mayroon sila.

Batas

Ang isang lipunan syempre ay may mga batas na ginawa at nararapat lamang na ito'y sundin. Ang batas na ito ay maaaring nakabatay o hango sa relihiyon o kultura, o mga katuruan. Ako bilang isang Meranaw, iilang batas lamang ng Meranaw ang alam ko dahil sa laking syudad ako. Nang mabasa ko iyong kwento ng L'pad, doon ko nalaman na bukod pala sa kamatayan ay may iba pa palang pwedeng ipataw na parusa ang mga taong nagkasala o nagsina. Maaaring ang maging hatol ay ang kasendit o pagsisisi, paiikutin sila sa buong bayan nang walang saplot, at iba pa depende sa bigta ng kasalanan. Sa huli, anuman ang maging hatol ay dapat tanggapin ng mga may-sala.

Paniniwala sa mga aswang, espiritu, atbp.

Habang binabasa ko yung aklat na ito, grabe yung takot at kaba na nararamdaman ko, iyong pakiramdam na akala ko ako 'yong tauhan sa kwento. Maganda ang pagkakasulat ng may-akda dahil litaw na litaw iyong mga emosyon at damdaming dapat maramdaman ng isang natatakot o kinakabahan. 

Maratabat

Itong salitang Maratabat kilala ang mga Meranaw, iyong tipong kahit saan sila magpunta dala-dala nila ito. Halos iyong mga kwento sa aklat na ito'y kitang-kita mo ang maratabat sa mga Meranaw. Ang alam ko'y maraming kahulugan ang maratabat para sa kanila, kung kayat ganoon na lamang ang kanilang pangangalaga rito. Ang kwento nila Yusoph, Sahara, at Akmilah ay isang halimbawa. Hindi nagtuluyan si Akmilah at Yusoph dahil sa pagtutol ng mga magulang ni Yusoph. Naniniwala sila na masisira ang reputasyon ng kanilang pamilya kapag sila ay nagkatuluyan. Maratabat ang madalas na nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon ng rido ang mga pamilya, lalo na kung ito'y malalaking pamilya sa kanilang bayan.

Kata-o

Ang mga Meranaw ay naniniwala sa kata-o o kulam. Kahit ako rin ay naniniwala diyan, lalo na't may isa rin sa aming pamilya ang nakaranas niyan kaya't masasabi kong totoo ang kata-o. Subalit para sa mga Meranaw ang kata-o ay isang napakalaking kasalanan, lalo pa't ipinagbabawal din iyan sa Islam. Ang ginawa ni Akmilah ay isang malaking kasalanan, makatakas man siya sa mga tao'y hindi sa paningin ng Allah. Gayundin, naniniwala ang mga Meranaw sa Albularyo o pamomolong. Kapag may sakit ang sila, naghahanap sila ng Albularyo at doo'y nagpapagamot. 

Marami pang mga kultura at tradisyon ang makikita sa aklat na ito, kung kaya't mahabang papel ang kakailanganin para maisalaysay natin ito lahat. Napakahusay ng may-akda ng aklat na ito, bukod sa detalyado niyang naisulat ang mga kwento'y pakiramdam ko ako ang tauhan sa binabasa ko, dahil sa mga damdaming inilalarawan. Lalo na sa Bangkang Papel, naaliw talaga ako habang binabasa ko iyon, sino ba naman ang hindi maiinis kapag sabik na sabik kang matapos iyong ginagawa mong larua'y bigla kang iistorbihin para lamang utusang bumili sa tindahan, pagkauwi mo'y pababalikin ka ulit dahil may nakalimutan pang ipabili.

Nang simulan kong basahin ang pinakaunang kwento, nagandahan na agad ako, dahil bukod sa wikang ginamit ay Filipino, may halo ring Meranaw na may kasamang salin sa Filipino nang sa gayo'y maunawaan ng mga mambabasa na hindi nakakaunawa ng wikang Meranaw. May Ingles din naman akong nabasa doon pero hindi naman ganoon karami. Ito ang unang beses na nakabasa ako ng mga kwento na nakasulat sa wikang Meranaw, at likha pa mismo ng isang Meranaw, kung kaya't kitang-kita mo talaga ang kultura na mayroon ang mga Meranaw at ang lipunan na ginagalawan nila. Napansin ko lang na ang pinakahuling kwento, pinagsama-sama iyong ibang mga kwento para makabuo ng isang bagong kwento, ang Salamin, kaya ang galing.

Para sa akin, hindi nakayayamot basahin ang aklat na ito, maging ang pagkakasunod-sunod ng mga kwento'y maayos na nailagay. Mahilig ako sa mga akdang ganito ang dyanra, kayat lalo akong ginanahan basahin ito. 

Iniisip ko bakit Salamin at iba pang panglaw ang pamagat ng aklat, pagdating ko sa kalagitnaan ng aking pagbabasa'y doon ko natagpuan ang kasagutan sa aking tanong. 

Comments